PABARYA
Limandaang pisong papel. Baka murahin ako ng drayber kapag ito ang ipinambayad ko para sa trese pesos na pamasahe mula Rotonda hanggang Ligaya. Nakita ko ang isang sikat na fast food restaurant. Sige na nga, sabi ko sa sarili ko. Gutom na rin naman ako at dalawang oras pa ang biyahe ko kaya pumasok na ako sa loob. Ang daming pila kaya hinanap ko ang may pinakakaunting tao at doon sumunod. Tumingin agad ako sa maliwanag na menu sa likod ng mga kahera at hinanap ang palagi kong binibili sa mga fast food na ganoon---ang B1 o value meal number one. Kumbinasyon ng regular hamburger, regular fries, at regular softdrinks. Iyon din ang binili ko noong huli kong punta doon. Napilitan lang talaga ako noon dahil naiihi na ako. At dahil kaunti lang ang tao noon, sobrang mahahalatang nakigamit lang ako ng CR, kaya bumili na rin lang ako ng pagkain. Iyong B1 ang palagi kong binibili dahil bukod sa may kasamang french fries, iyon ang pinakamura.
Fifty-four pesos. Fifty-four pesos ang mababawas sa limandaan ko. Medyo malaki rin iyon. Dagdag pamasahe na rin sana iyon. Tinignan ko ang iba pang item sa menu. Ano kaya kung sundae na lang? Kaso walang french fries iyon. Kung bibili naman ako ng hiwalay na french fries, mapapamahal ako. Twenty-seven pesos para sa ilang pirasong piniritong patatas? Wag na lang. B1 na lang talaga ang bibilhin ko.
Napatingin ako sa in-order ng babaeng nasa harapan ko at saktong inilapag ng kahera ang dalawang sundae sa counter. Natigalgal ako. Iyon na ba ang lagpas trenta pesos na sundae sa menu? Pambihira. Kalahati lang nung plastic na baso ang may laman. Napatingin ako sa tatlong batang kasama ng babaeng bumibili. Mukhang sabik na silang kumain. "Yes, ma'am, ano pong order nila?" Sa akin na pala nakabaling ang kahera kahit di pa nabibitbit ng babaeng nauna sa akin ang mga supot ng mga pagkaing in-order niya. Tumabi na lang ako para makalapit sa counter. "Yung B1 po," sabi ko sa kahera.
"Extra large na po yung fries ma'am?" tanong ng kahera.
Ngumiti ako at sinabing, "Hindi po."
"Ano pong drinks nila?"
"Coke"
"Extra large na po yung softdrinks, ma'am?" tanong na naman ng kahera.
Nilakihan ko ang ngiti ko at sumagot. "Ay, hindi na po."
"Anything else ma'am?" tanong ng kahera matapos magpipindot sa kanyang computer.
"'Yun lang po," sagot ko.
"Dine-in or take-out?" tanong ulit.
Kung dine-in, kailangan kong kainin ang o-orderin ko doon at matatagalan akong umuwi. Kung take-out, kakainin ko ang order ko sa jeep at dadalhin ko ang mga basura ko. Isang segundo rin akong nakipagtalo sa aking sarili bago ko nasagot ang kahera. "Dine-in po."
Binigay ko ang limandaang piso ko. "I received five hundred," nagmamadaling sabi ng tindera bago nagpipindot ulit sa computer. Muli, tinanong ko ang aking sarili: bakit kailangang sabihin ng mga kahera ng mga fast food kung magkano ang perang ibinigay ko sa kanila? Alam naman naming dalawa kung magkano ang inabot ko sa kanya. Sinasabi ba nila iyon para marinig ng ibang tao? Paano kaya kung pagkasukli niya sa akin ng tama ay mag-eskandalo ako at sabihin kong isang libo ang perang binigay ko sa kanya? Alam ko namang maliban sa akin, wala naman ibang nakarinig sa kanya nang sabihin niyang "I received five hundred." Paano nga kaya kung gawin ko iyon?
"Thank you ma'am. Enjoy your meal," sabi ng kahera sabay lagay ng isang panibagong tray sa counter.
Binuhat ko ang tray ng aking pagkainn at naghanap ng mauupuan. Nakakuha ng bakanteng mesa sa may tabi ng bintanang salamin. Pagkalapag ko ng tray, sinuri ko ang mga in-order ko. Pwedeng alog-alugin ang mga piraso ng french fries sa papel nilang lalagyan. Ang hamburger naman, halos hindi na mahalatang hamburger. Paano'y sa sobrang liit ay hindi na nito mahawaan ng mabilog na korte ang balot nitong papel na makapal. At mayroon din palang ketchup na nasa isang napakaliit na lalagyan. Gusto kong matawwa sa tuwing nakakakita ako ng ganoong mga lalagyan ng ketchup at gravy sa mga fast food. Hindi kasi tulad noon, ang mga lalagyang ganoon ngayon ay kayang-kaya ko nang ipasok nang buo sa aking bibig.
Humarap ako sa bintana at sinimulang kainin ang french fries. Pinagmasdan ko ang mga nasa labas. Kitang-kita ang kurus ng mga kalsada ng Rotonda. Wala pang gaanong trapik. May tatlong batang tumakbo patawid ng interseksyon. Sa itim ng kanilang balat at itsura ng kanilang damit, siguradong lamang-lansangan ang mga batang iyon. Maya-maya may lumikong pampasaherong jeep---kasunod ang tatlong batang pilit na humabol at sumabit sa likod nito. Nagtawanan sila pagka-angkas. Paupo na sana iyong isang bata sa may tapakan ng jeep nang may dumaang kung ano sa aking paningin. Braso pala ng isang crew ng fast food---naililinis niya ang bintanang salamin. Hinagod ko ng tingin ang kabuuan ng salamin. Marumi ang bandang itaas nito. At parang nalaman niya ang aking nakita, tumuntong ang tagalinis sa isang bangko at winisikan ng mabulang tubig ang maruming bahaging iyon.
Pinanonood ko ang mga tumutulong masabong tubig sa salamin nang mapansin ko ang isang mukha ng bata sa kabila nito. Siguro kung kaedad niya lang ako, pinagtawanan ko na ang natuyong bakas ng sipong naipahid patagilid sa kanyang mga pisngi. Nakatingala siya at medyo nakanganga ang bibig: pinanonood niya rin pala ang paglilinis ng bintana. Sinundan niya rin ng tingin ang mga tumutulong bula sa salamin hanggang sa mapansin niyang tinitignan ko siya. Agad niya namang isinara ang nakanganga niyang bibig. Kasabay ng pagpunas ng tagalinis sa salamin sa aking paningin. Sa isang iglap ay nawala ang mga tulo ng masabong tubig. Parang nawala rin ang salamin sa sobrang linaw nito. Nang lumipat ng pwesto ang tagalinis, nakita ko ulit ang marungis na bata. Pamilyar sa akin ang titig na binigay niya sa akin---pagtataka, takot, at inis ang halu-halo sa mga mata niya. Iyon ang tinging ibinibigay ng isang batang tinititigan.
Ngingitian ko na sana siya nang kalabitin siya sa ulo ng isang batang mas malaki sa kanya. Nang nilingon niya ang bata, tumalikod ito at naglakad palayo, papunta ng tabing kalsada. Sinundan naman niya agad ang batang mas malaki. May dala pala itong malapad na basket na may mga kamote at banana cue. Kapit-kamay silang tumawid sa interseksyon nang mapansin kong wala na akong madukot na french fries. Ubos na pala.
Tinignan ko ang hamburger ko. Sa jeep ko na lang iyon kakainin o di kaya ay sa bahay. Baka masuka lang ako kapag pinilit kong kainin yun doon. Hindi ko kasi masyadong nagustuhan iyong french fries ngayon. At mag-a-alas sais y medya na, baka sobrang mahirapan na akong makasakay. Pinilit ko na lang ubusin ang softdrinks dahil sayang din ang ibinayad doon. Kinuha ko ang dalawang pirasong tisyung ibinigay nung kahera kanina. Magagamit ko rin kasi iyon.
Tumayo ako bitbit ang aking bag at naglakad palabas. Sa may kalsada, sumabay ako sa mga taong patawid ng interseksyon.
Makakapagbayad na ako nang maluwat sa jeep. Dahil nabaryahan na ang buo kong limandaang piso.
No comments:
Post a Comment